REGION XI: DAVAO REGION - WIKA AT RELIHIYON
Ang rehiyon ng Davao ay dating tinatawag na Timog Mindanao o Habagatang Mindanao. Ito ay binubuo ng mga lalawigan ng Davao del Sur, Davao del Norte, Davao Oriental at Compostela Valley. Kilala ang rehiyon na ito dahil sa kasaganahan sa prutas na durian. Ito rin ang pangunahing pinagkukunan ng mga yamang mineral tulad ng ginto gayundin ang mga marmol. Katulad ng iba pang mga rehiyon, mayroon din itong sariling kultura, tradisyon, at paniniwala na sinusunod. May iba’t iba rin silang mga wika at wikain na ginagamit sa pakikipag-usap at makipagkumunyon.
Kung pag-uusapan ang wika, ang wikang Davawenyo o Dabawenyo ang isa sa pinakakilala na ginagamit sa rehiyon na ito. Kabilang din dito ang Cebuano, Hiligaynon, Mandayan, Dibabawon, Mansakan, Manobo, Maguindanao, at Tagalog. Ginagamit din ang wikang Ingles sa pagtuturo sa ilang mga paaralan sa Davao.
Kung mayroong mga iba't ibang wikang ginagamit ang rehiyon ng Davao, gayundin mayroon itong iba't ibang uri ng mga pista na ipinagdiriwang. Isa na dito ang Buganihan Festival, ito ay nagaganap tuwing ika-25 ng Hulyo hanggang ika-1 ng Agosto. Ito ay nagpapakita ng kanilang paraan upang ipagdiwang ang pagtatag ng kanilang munisipalidad. Ipinagdiriwang din nila ang Bulawan Festival, kung saan ipinapakita ang kanilang pasasalamat sa diyos na pinagpala sila at nakakuha ng pamagat na Golden Province. Bukod pa rito, mayroon din silang Diwanag Festival, Kaimunan Festival, P'yagsawitan Festival, Simbalay Festival at marami pang iba.
Maipapakita din ang kanilang kultura sa pamamagitan ng kanilang mga paniniwala at kaugalian.
Sa paglilibing, upang hindi pasukan ng masamang espiritu o mga busow ang katawan ng taong namayapa, ito ay kailangang bantayan. Pagkatapos ng proseso ng libing, ang kaluluwa ng yumao ay maglalakbay, ayon sa mga bagobo. Sa pag-aasawa naman, upang makilala ng magulang ng lalaki ang mapapangasawa ito ay bumibisita at tinatawag na pasakayod. Para pag-usapan naman ang halaga ng dote, magkikita ang pamilya ng magkabilang panig at ito ay tinatawag na pamuko. Pagtawan naman ang tawag kapag ang lalaki ay naninilbihan sa magulang ng babae. Kasamongan naman ang pagpapasya ng mga magulang sa kasal. Itatakda na ang araw ng kasal at ito ay paghahandaan kung payag na ang dalawang panig.
Comments
Post a Comment